Ayon kay Prof. Ramon Casiple, isang political analyst, kulang ang oras para sa bawat kandidato para mai-detalye nila ang kani-kanilang mga argument.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Casiple na tila hindi debate ang naganap dahil sa kaunting oras na inilaan para sa pagsagot sa mga tanong ng mga kandidato, na lalo pang napaiksi dahil sa pagsingit ng commercials.
“Hindi yata debate, iyon eh, napakaiksi ng panahon na ibinigay mo sa bawat isa, hindi makapag-articulate ng detalye masyado. Nadagdagan pa dahil sa mga ads, hindi hindi dapat nagkakaroon ng commercial iyan, public interest iyan e, parang pareho ng presidential speech iyan,” ayon kay Casiple.
Isa rin sa pinuna ni Casiple ang pagsang-ayon ng ilang kandidato sa kapwa kandidato sa ilang mga isyu.
Ayon kay Casiple, imbes na maglahad ng sariling argumento, ang ilang kandidato, sumang-ayon lang sa pahayag ng kalaban.
Dapat ayon kay Casiple, may magkakaibang posisyon sa bawat usapin ang lima, para mas magkaroon ng pagkakataon ang tao na sila ay kilatisin.
“Yung ilan doon mukhang mutual admiration society frame ata, umo-OO sa sinasabi ng kabila, rather than maglabas ng sariling argument, anong debate doon? Ang punto ng isang debate ay palabasin ang pagkakaiba ng isa’t isa sa mga usapin, para may choice ang nanonood,” dagdag pa ni Casiple.
Mas nakabuti rin sana ayon kay Casiple kung nagkaroon lamang iisang topic at doon pinalawig ang debate o punto ng bawat kandidato, kaysa maraming isyung ibinigay at kakaunti naman ang oras na inilaan.