Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, tataas pa ang gastusin ng gobyerno dahil nagpapatuloy pa ang problema sa COVID-19.
“Kaya nga po sa kabuuan, as of today, ang nagagastos na po ng national government para sa COVID-19 response ay umabot na ng P355, 677, 151, 125 – iyon na po iyong kabuuan na nagagastos natin of which out of that amount, P247, 214, 000, 000 ay galing po sa pooled savings. Ito po iyong inipon natin na ni-realign base na rin sa kautusan ng Pangulo sa lahat ng mga kagawaran at departamento upang magamit sa COVID,” pahayag ni Avisado.
“Ang P96, 717, 000, 000 naman, ay iyon iyong sa un-programmed appropriation, ito po iyong binigay o sinertify ng Department of Finance na ginamit natin, principally, doon sa P51 billion na subsidy para sa mga nawalan ng trabaho ng micro, small and medium enterprises at iyong 45.7 billion na ni-release natin sa Department of Health para matugunan lahat ang pangangailangan dito sa COVID-19,” dagdag ng kalihim.
Ginagamit na rin aniya ng pamahalaan ang bahagi ng mga utang na panlabas ng Pilipinas.
Ayon kay Avisado, P6 bilyon ang inutang ng Pilipinas sa Asian Development Bank at P5 bilyon sa World Bank.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act, pinapayagan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag “reprogram, reallocate at realign sa 2020 national budget para sa COVID-19.
Samantala, inihahanda na rin ang P4.3 trllion na national budget para sa taong 2021. Mas mataas ito mula sa kasalukuyang budget na P4.1 trillion.
Target aniya ng DBM na maisumite kay Pangulong Duterte ng budget bago pa man ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa huling Lunes ng Hulyo.
“Kung hindi man po namin maisasabay sa kaniyang SONA ay baka sa second week ng August maisusumite na namin for his approval and then after that, isusumite na rin natin sa Kongreso. Matatandaan natin na last year ay isinumite po ng Executive Department ang 2020 National Budget sa Kongreso nang August 20 which was the deadline of the 30 days after the SONA of the President at iyon naman ay naipasa din ng Kongreso particularly ng House of the Representatives one month after or September 30 in-approved din nila,” pahayag pa nito.
Pagtutuunan ng pansin ng DBM na pondohan ang mga proyektong pang-imprastraktura at paggawa dahil ito ang pinaka-apektado sa pandemiya.
“Ang ibig pong sabihin nito, we will concentrate more on labor intensive projects and activities to give income opportunities to the most vulnerable and to the most affected sector and workers both in public and private po sector,” pahayag ni Avisado.