Kanya kanyang hanap ng pagkakataon ang limang mga presidentiables na humarap sa kauna unahang debate Cagayan De Oro upang makapuntos sa kanilang mga katunggali.
Bagaman may mga pagkakataong may mga patamang binitiwan ang ilang mga kandidato, wala namang mainitang pagtatalo na namuwati mula sa mga ito sa loob ng dalawang oras na paghaharap ng mga kandidato.
Nauna si dating DILG Secretary Mar Roxas sa pagpapasaring sa kanyang mga makakalaban sa nalalapit na eleksyon sa pamamagitan ng tanong sa publiko kung nais ng mga itong ipagkatiwala ang susunod na administrasyon sa isang taong naakusahang nagnakaw, mainitin ang ulo at bago lamang sa paghawak ng manibela.
Bagaman hindi direktang tinukoy, malinaw na pinatatamaan ni Roxas sina Sen. Grace Poe, Mayor Rodrigo Duterte at Vice President Jejomar BInay sa kanyang binitiwang pananalita.
Iginiit din ni Roxas na hindi isang OJT ang pagpapatakbo sa gobyerno na sinagot naman ni Poe sa pagsasabing hindi niya kailangan ng mahabang experience at tinukoy naman ang mga kapalpakan ni ROxas nang ito ang humawak pa sa DILG at DOTC.
Binatikos din ni Binay ang aniya’y mabagal na aksyon ng administrasyon sa pagtugon sa mga biktima ng Yolanda na tinugunan naman ni Roxas sa pamamagitan ng pagsasabing 16 na araw siyang namalagi sa Leyte sa kasagsagan ng bagyo.
Samantala, naging ‘mabait’ naman sa isa’t-isa sina Sen. Miriam Defensor Santiago at Mayor Duterte kaya’t naging tampulan sila ng kantyaw ng mga netizens na humantong pa sa pagtawag sa kanila bilang tambalang ‘Dur-riam’.
Iginiit naman ni Sen. Poe na kahit bagito siya sa larangan ng pulitika, batid niya ang mga kailangan ng taumbayan at handa siyang tugunan ito sa oras na maluklok sa puwesto.