Ayon sa South China Sea expert na si Ian Sotrey ng ISEAS Yusof Ishak Institute sa Singapore, naniniwala siyang maglalagay rin ang China ng kaparehong mga armas sa mga islang kanilang inaangkin at maging sa mga man-made islands na ginawa nila sa Spratlys archipelago sa loob lamang ng isa o dalawang taon.
Gamit ang mga ito, masusuportahan ng China ng tunay na kapabilidad ang kanilang mga banta sa tuwing may hahamak na maki-angkin sa inaagaw nilang teritoryo.
Ayon naman sa military analyst ng Center for Security and International Studies sa Washington na si Bonnie Glaser, maaring paunang hakbang ito ng China na hudyat sa mga susunod nilang gagawin sa Spratlys.
Naniniwala rin si Glaser na mayroon na talagang ganitong plano ang China, at idinadahilan lamang nila ang pagpapatrulya at mga operasyon ng Estados Unidos sa South China Sea para bigyang katwiran ang kanilang umano’y pag-depensa sa kanilang teritoryo.
Ang expansion na binabalak ng China ay magbibigay ng malakine epekto sa routine surveillance patrols ng US at Japan, pati na rin ang mga flights ng US B-52 long-range bombers na binatikos ng China noong Nobyembre.
Posible rin nitong subukin ang operasyon ng lumalaking SU-30 jet fighters fleet ng Vietnam na gawa ng Russia.
Matatandaang noong Huwebes, kinumpirma ng US ang pagpapadala ng China ng nasabing mga surface-to-air missiles sa Woody islands na pinakamalaking bahagi ng Paracel group na inaangkin ng Beijing.
Binatikos ito ng US dahil ito anila ay isang malinaw na pag-labag ng China sa kanilang pangako na hindi sila magtataguyod ng militarisasyon sa rehiyon.