Mas malaki na ngayon ang kakayahan ng Pilipinas na mangutang dahil mas malaki na rin ang kakayahan natin na makabayad.
Ito ang sagot ni Finance Sec. Cesar Purisima sa sinabi ng Freedom from Debt Coalition na ang administrasyong Aquino umano ang “biggest borrower among post-EDSA administrations.”
Ayon kasi sa kowalisyon, ang P4.16 trillion sa P6.4 trillion na utang ng Pilipinas ay inutang sa nagdaang limang taon na sakop lahat ng administrasyong Aquino.
Sa kaniyang pahayag, iginiit ni Purisima na maling gamitin ang nominal figures para pag-usapan ang utang dahil nalilihis nito ang kalidad ng pampublikong diskurso tungkol sa public finance.
Ang operative term aniya na dapat ginagamit sa usaping utang ay ang sustainability, o ang kakayanang bayaran ang inutang na pera.
Ang mahalagang sukatan rin ani Purisima ng utang ay bilang percentage ng gross domestic product (GDP).
Sa pamumuno aniya ni Pangulong Aquino, napangasiwaan ng maayos ang fiscal consolidation na nagpa-gaan sa financing requirements na nangangahulugan ng mas mabagal na pag-laki ng national government liabilities kumpara sa laki ng ekonomiya.
Ipinunto pa ni Purisima na ang debt-to-GDP ratio ay bumaba ng 44.8 percent sa pagtatapos ng taong 2015, na siyang pinakamababang naitala simula 1996.
Ibig sabihin aniya nito, ang pag-laki ng ekonomiya ng bansa ay mas mabilis kaysa pag-laki ng utang.