On the spot na nasawi ang tatlo sa mga suspek dahil sa dami ng natamong tama ng bala, habang ang isa sa kanila ay nasawi isang oras makaraang dalhin sa Quezon Memorial Medical Center.
Tinimbrehan ng isang impormante ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) na ang grupo ng mga suspek ay mayroong papatayin sa may Cubao.
Ayon sa kanilang tagapagsalita na si Chief Insp. Elizabeth Jasmin, naniniwala sila na ang mga suspek din ang gang na nasa likod ng pagpatay sa isang taxi driver sa Valenzuela City noong January 27.
Bilang pagtugon sa tip, nag-padala ang CIDG ng team sa Cubao kasama ang impormante, at doon na nila namataan ang isang puting Honda Accord na may plakang UHS 888 sa Aurora Boulevard.
Sinundan ng mga pulis ang sasakyan na ninakaw lang umano gamit ang kanilang unmarked vehicles, at nang mabatid ito ng mga suspek, binilisan nila ang takbo na nauwi sa habulan.
Napansin ng patrol car ng Quezon City Police District (QCPD) na hawak ni Chief Insp. Rolando Lorenzo ang komosyon at nakisali na rin sa habulan.
Dito na nagpaputok ang mga suspek sa mga pulis, na humantong sa palitan ng putok sa pagitan ng dalawang grupo sa southbound lane ng Katipunan Ave. malapit sa Aurora Blvd. sa Brgy. Loyola Heights, ganap na 3:15 ng madaling araw ng Linggo.
Isa pa lang sa apat na suspek ang nagawang kilalanin ng mga pulis dahil sa dala nitong ID, at ito ay si Recto Piadozo na mula pa sa Talavera, Nueva Ecija.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang cal. .45 na baril, isang 9mm pistol, isang fragmentation hand grenade at isang panaksak.