Dalawang tore ng kuryente ang pinabagsak ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte.
Hinihinala ng mga otoridad na noong Huwebes itinanim ng mga suspek ang mga bomba na nagpatumba sa dalawang transmission tower na pagmamay-ari ng UPC Renewables.
Ayon sa imbestigasyon ng mga otoridad, Huwebes ng gabi, nakarinig na lamang ng pagsabog mula sa kabundukan ang mga residente ng Barangay Tadao.
Kinaumagahan ng Byernes, kanilang siniyasat ang pinagmulan ng pagsabog at dito, nadiskubre ang dalawang pinabagsak na tore na may layong 250 metro ang pagitan sa isa’t isa.
Nahirapan ang mga otoridad na imbestigahan ang insidente dahil kinailangan pang bumiyahe ng apat na oras at umakyat sa masukal na bahagi ng bundok bago marating ang kahit isa lamang sa dalawang tore.
Ayon kay Ilocos Norte Director, Supt Leiland Benigno, posibleng mga eksperto sa paggawa ng bomba ang pasimuno ng pagpapasabog.
Ang mga naturang transmission towers ay nagdadala ng kuryente mula sa wind farm sa bayan ng Pagdupud.
Ito ay joint project ng AC Energy Holdings INc., UPC Renewables at ng Philippine Investment Alliance for Infrastructure.
Noong 2014, sinalubong ng protesta ang inagurasyon ng 81-megawatt Pagudpud wind farm dahil sa isyu ng panghihimasok ng mga transmission lines sa mga lupang pag-aari ng mga residente sa lugar.