Sa pagharap ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaagad ang mga itong ginisa ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sabi ni Cayetano, dapat ay mabilis lamang pagpoproseso ng mga benepisyaryo at pamamahagi ng SAP na aabutin lamang dapat ng isang linggo pero dahil sa mahaba at mahirap na proseso na inilatag ng DSWD ay umabot ng 2 hanggang 3 linggo ang distribusyon ng SAP.
Nagtataka ito dahil noong una ay maganda ang koordinasyon ng Kongreso at DSWD kaya mabilis na ipinasa ng kapulungan ang Bayanihan to Heal as One Act at ginawa din nilang mga mambabatas ang mga amendments na kinakailangan para mapabilis ang pamamahagi ng tulong.
Matapos anya ang Marso at simula ng Abril ay wala nang maaayos na koordinasyon ang ahensya at sa halip ay nagsarili ang DSWD at mas nakinig ang mga ito sa mga regional directors.
Sinabi nito na Binalewala ng DSWD ang payo ng Kamara na nagresulta sa pagka-delay ng SAP ng dalawang linggo at lalong nagpahirap sa mga kababayang kabilang sa 4Ps.
Kabilang aniya sa mga naranasang problema ng mga beneficiaries ng SAP ang burukrasya o pagpasa-pasa ng gawain, dagdag pa dito ang mahabang proseso sa pagkuha ng ayuda na umabot sa 30 steps, kulang at mabagal na pagbibigay ng forms, pag-doble ng listahan ng beneficiaries, kalituhan sa pagitan ng LGUs at mga barangay , kawalan ng maayos na komunikasyon sa distribusyon at ilang napaulat na korapsyon.