Nagsalita at naglatag ng mga plataporma ang limang presidential aspirant sa naturang debate na nagsimula pasado alas singko ng hapon at natapos ng alas siyete ng gabi.
Nabigyan ng pagkakataon ang limang presidential aspirant na magbigay ng pananaw sa mga malalaking isyu na kinakaharap ngayon ng bansa.
Ilan sa mga natalakay sa debate ay ang track records at performance ng mga kandidato, mga paraan kung paano mapapabuti ng kabuhayan ng mamamayan at mga isyu sa Mindanao.
Sa loob ng tatlong round, inihayag ng limang kandidato ang kanilang mga pananaw sa mga isyu.
Napag-usapan ang mga akusasyon ng umano ay katiwalian ni Vice President Jejomar Binay, ang health condition ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, ang criminal killings at pagiging palamura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ang manipis na karanasan ni Sen. Grace Poe at ang mga anomalya sa DOTC at DILG nang kalihim pa dito si Mar Roxas.
Natalakay din sa debate ang modernisasyon sa agrikultura at sa iba pang sektor kung saan kanya-kanyang pananaw ang ibinigay ng limang kandidato.
Sumentro rin ang debate sa isyu ng political dynasty, Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Bangsamoro Basic Law (BBL), at mga problemang kinakaharap ng mga taga-Mindanao.
Bago matapos ang debate, binigyan ng tig-iisang minuto ang mga kandidato para sa kanilang closing statements.
Sa kanyang huling pahayag, sinabi ni VP Binay na dapat na tigilan na ang underspending dahil dito nagsisimula ang underperformance ng gobyerno.
“Tigilan na po natin yang underspending…kapag underspending, underperformance, hindi nagagamit ang dapat paggamitan…nadedelay ang performance”, pahayag ni Binay.
Sa panig naman ni Santiago, tinukoy nito ang mga kinakailangang kuwalipikasyon ng isang susunod na pangulo.
“Dapat naging head of the class or at least naging honor student (ang susunod na Pangulo). Dahil kung hindi marunong yun, anong dunong ang ibibigay niya sa atin?” Giit ni Santiago.
Si Duterte, muli namang iginiit ang pangangailangang resolbahin ang problema sa korupsyon, kriminalidad sa bansa.
“Nobody is mining the stove…I will get rid of drugs, suppress crime, stop corruption in government in three to six months.”
Ayon naman kay Poe, unang magiging executive order niya sakaling maging Pangulo ay ang pagsasabatas ng Freedom of Information Bill.
“30 percent ng budget ng National government ilalagay natin dito,”dagdag pa ni Poe.
Inamin naman ni Roxas na naging maginhawa ang kanyang buhay at hindi naranasan ang buhay ng ordinaryong mamamayan kaya’t nais niyang maranasan din ng taumbayan ang kanyang nararanasan.
“Gusto ko maging ganito din ang buhay niyo. Malaya sa gutom, malaya sa takot at malayang mangarap.”