Malakanyang hinahanapan ng aksyon ang Philhealth sa problema sa korapsyon sa ahensya

Dismayado ang Malakanyang sa kawalang aksyon ng pamunuan ng Philhealth sa isyu ng korapsyon sa ahensya.

Reaksyon ito ng Palasyo kasunod ng pahayag ng Philhealth na delikado na ang pondo nito dahil sa mas mataas na gastos kumpara sa kanilang nakukulektang kontribusyon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat ipakita ni Philhealth President at CEO Ricardo Morales ang mga hakbang niya para habulin ang mga korap sa ahensya.

Ani Roque, daan-daang bilyong piso ang nawala sa Philhealth dahil sa korapsyon pero hanggang ngayon ay wala pang nasisibak na sangkot dito.

“Ang nais ko pong personal na makita ano yung mga hakbang na ginagawa ni Gen. Morales para habulin ang mga kurakot sa Philhealth? Hanggang ngayon po wala akong nababalitaang naparusahan diyan sa ahensya. Wala akong nababalitaan na ni isang tao na sinisante ni Gen. Morales o kaya naman ay kahit anong imbestigasyon na ginagawa niya,” ayon kay Roque.

Una nang sinabi ni Morales na nanganganib na ang pondo ng ahensya dahil sa lumiit ang kuleksyon nito mula nang magkaroon ng pandemic ng COVID-19 habang lumaki naman ang gastos.

 

 

 

 

Read more...