Hindi tatanggapin ng Malakanyang ang panghihimasok ng Amerika sa kaso ni Rappler CEO Maria Ressa.
Reaksyon ito ng Palasyo sa pahayag ng US State Department na nagsasabing nababahala sila sa hatol ng korte kay Ressa lalo pa at ang Amerika at Pilipinas ay mayroon nang long time commitment para sa freedom of expression.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Roque na hindi tatanggapin ng pangulo ang panghihimasok ng mga dayuhan sa kaso.
Ani Roque, ang mga punang ito ng Amerika ay hindi makatutulong sa pagkakaibigan ng dalawang bansa.
“Mayroon po kaming gumaganang sistemang legal, bumalik na po sana yung init ng pagkakaibigan ng Amerika (at Pilipinas) itong mga pulang ito ay hindi po nakakatulong sa pagkakaibigan ng Pilipinas at Amerika. Dahil puwede pong isipin ng Presidente, itong panghihimasok, ito po ay isang hatol na hindi katiwa-tiwala ang mga hukuman sa Pilipinas at hindi naman po tatanggapin ng ating Presidente yan,” ani Roque.
Ang Pilipinas aniya ay mayroong independent na hudikatutra at ang conviction kay Ressa ay naaayon sa batas.
“Ang sagot namin sa mga Amerikano, ginamit namin, hiniram namin ang jurisprudence ninyo. ‘Wag po kayong magreklamo dahil inapply lang ng hukom yoong jurisprudence na kailangan naman ay mayroong some kind of diligence in reporting, hindi pupwede na bara-bara lang,” ayon pa kay Roque.