455 pang Pinoy abroad, nagpositibo sa COVID-19 – DFA

Nasa 455 ang bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang June 16, umakyat na sa 6,021 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 52 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 2,746 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Umabot naman sa 2,833 na overseas Filipinos ang naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, umakyat sa 442 ang bilang ng Pinoy abroad na pumanaw dahil sa COVID-19.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 3,886 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 881 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 684 naman ang kaso sa Americas at 570 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tutukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...