Resolusyon para bayaran ng Philhealth ang bilyun-bilyong utang sa mga ospital, inihain sa Kamara

Hinimok ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Philippine Health Insurance Corporations o PhilHealth na bayaran ang bilyun-bilyong pagkakautang nito sa mga ospital.

Sa House Resolution No. 970 na inihain ni Rodriguez, sinabi nito na base sa claims ng Philippine Hospitals Association of the Philippines (PHAP) mayroong kabuuang P18 bilyong utang ang PhilHealth sa kanilang mga miyembro.

Sa nasabing halaga, P14 bilyon ay hanggang noong December 2018 habang ang P4 bilyon ay noong December 2019.

Mahalaga ayon sa mambabatas na kaagad mabayaran ang mga nasabing ospital dahil sa humaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic at kailangan ang full operations ng mga ospital sa pamamagitan ng pagkakaroon din ng sapat na medical personnel.

Hindi aniya dapat magsara ang mga ospital sa bansa, bumaba ang kalidad ng serbisyo o kaya naman ay magkaroon ng lay off sa mga medical personnel dahil sa hindi pagbabayad ng PhilHealth.

Binubuo ang grupo ng PHAP ng 733 ospital na mayroong 44,700 beds sa buong kapuluan.

Naniniwala si Rodriguez na ang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga private hospitals sa kanilang response sa COVID-19 ay dahil sa kakapusan na ang pondo.

Marami aniya sa mga ito ay kinailangan pang mangutang upang mapanatili ang kanilang operasyon.

Read more...