Cell site sa bawat public school, tinitingnan ni Sen. Gatchalian

Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang paglalagay ng cell site sa lahat ng pampublikong paaralan para sa mas malawak na internet access sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, halos lahat ng 42,046 barangay sa bansa ay may public school, magandang lugar ang mga ito para sa cell site at aniya, sa ganitong paraan ay mapapabilis ang pagkakaroon ng free wifi spots sa mga pampublikong lugar.

Makakatulong din aniya ito para mapagbuti ang kapasidad ng mga eskuwelahan kapag kinakailangan magpatupad ng distance learning sa mga hindi inaasahang sitwasyon tulad ng nararanasan dulot ng COVID-19.

Sa ngayon, may 62,000 paraalan sa bansa at 42,000 sa mga ito ay pampubliko.

“Now, there are about 42 thousand barangays nationwide. So bawat barangay merong public school at kung pwede nating patayuan ng cell site at wifi-based station sa bawat public school, sagip na natin ang buong Pilipinas dahil buong barangay ay makakabitan natin ng cell site,” katuwiran ng senator.

Dagdag pa nito, “ang proposal natin sa telecommunication companies ay gamitin ang lupa ng ating mga public school.”

Base sa datos mula sa Department of Education (DepEd), 58 porsiyento ng elementary schools, 80 porsiyento ng junior high schools at 72 porsiyento ng senior high schools sa bansa ay konektado na sa internet.

Sa isinagawang mapping sa mga public school at cell site towers, 44 porsiyento sa 20,398 public schools ay may distansiyang anim na kilometro o higit pa sa pinakamalapit na cell site tower kayat mahina o walang internet access sa eskuwelahan.

Read more...