Dapat magsagawa ang mga ahensiya ng gobyerno ng virtual trainings para mapalago ng online sellers ang kanilang negosyo.
Ito ang sinabi ni Sen. Joel Villanueva at aniya, dapat gawing prayoridad na rin ang pagtuturo sa mamamayan kung paano nila matutustusan ang kanilang mga pangangailangan habang nagpapatuloy ang COVID-19 crisis.
“What the government must do is to provide enough online resources so that they can upgrade their entrepreneurial skills and be knowledgeable in proper handling and storage of food, and financial management, among others, to make their businesses sustainable,” sabi ni Villanueva, na namumuno sa Senate Committee on Labor.
Katuwiran pa ng senador, maraming bagong online sellers ang wala o kulang ang nalalaman sa mga pamamaraan sa pagpapatakbo ng negosyo.
“Kung tutulungan natin sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng training, hindi na po aasa ang ating mga kababayan sa ayuda. Mababawasan ang alalahanin ng gobyerno at mas madali nitong matutugunan ang iba pang aspeto ng problemang dulot ng pandemiko,” dagdag pa ni Villanueva.