Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng election lawyer na si Atty. Arnold Bayobay ng Polytechnic University of the Philippines College of Law, bagamat walang malalabag na election law sa Amerika, hindi naman ito maaaring ipalabas sa Pilipinas sa panahon ng campaign period.
Hindi niya pwedeng ikatwiran na isang lehitimong balita at dapat i-cover ang rematch dahil ang Pacquiao-Bradley fight ay hindi naman biglaang pangyayari dahil mayroon itong kontrata. “Magkakaproblema si Manny Pacquiao o yung media outlet na magpapalabas ng fight. Pwedeng matuloy ang laban ‘wag lang icover ng Philippine media. It is the airing of the fight that is prohibited not the fight itself,” ayon kay Atty. Bayobay.
Saklaw aniya ng campaign period ang petsa ng laban ni Pacquiao kay Bradley na tiyak na ilalabas at iko-cover ng media.
Malinaw ayon kay Bayobay sa ilalim ng Fair Elections Act na ang mga pelikula o palabas ng mga akrot na kandidato ay bawal na kapag panahon na ng kampanya.
Si Pacquiao aniya ay maitituring na ring aktor at isang personalidad.
Wala naman sanang problema ayon kay Bayobay sa mismong laban dahil sa US naman ito gagawin at hindi nito lalabagin ang fair elections act.
Pero paliwanag ng election lawyer, magkakaroon na ng paglabag sa sandaling i-ere na ang laban dito sa Pilipinas ng local media.
Ipinaliwanag pa ng abogado na mas lalong magkakaroon ng problema si Pacquiao sakaling manalo sa halalan sa pagka-senador dahil maaaring maharap siya sa diskwalipikasyon. “Disqualification case ito. Hindi ito denial of due course on the Certificate of Candidacy. Kahit matapos itong laban na ito, kahit matapos ang kampanya ‘pag nanalo si (Manny) Pacquiao this will still be a ground to disqualify him as a senator,” dagdag ni Bayobay.