Ginawa ni Tolentino ang panawagan sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education at nabanggit niya na epektibo ang mga plataporma ng United Nations Educational, Scientific, Cultural Organization (UNESCO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF) base sa paggamit ng mga ito sa ilan ng bansa.
“Why don’t we take advantage of the existing platforms tailor-made by these international educational organizations. We must tie up with these big players para hindi na tayo mahirapan sa ating gagawing distance learning,” sabi ng senador.
Binanggit pa ng senador na ang ibang online platforms tulad ng Skype, Zoom at Facebook ay hindi sasapat para sa ‘new normal education’ na ikakasa ng dalawang ahensiya.
“I am bit worried baka sa unang dalawang linggo sumablay po tayo dito, not because of the lack of competencies on the part of the teachers who will perform this but due to the proper software that will be utilized. Ano po bang software ang gagamitin?” dagdag pa ni Tolentino.
Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones sa pagdinig na nakikipag-usap na sila sa UNICEF at UNESCO.
Inihirit din ni Tolentino na magkaroon ng ‘demonstration’ ang dalawang ahensiya sa komite ng mga ikakasa nilang pamamaraan ng pagbibigay edukasyon sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 crisis dalawang linggo bago ang inanunsiyong muling pagsisimula ng mga klase sa Agosto 24.