LPA na binabantayan ng PAGASA magiging ganap na bagyo anumang oras; malaking bahagi ng bansa uulanin ngayong araw

Magiging isang ganap na bagyo na anumang oras ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) ng PAGASA.

Ang LPA ay huling namataan sa 50 kilometers east northeast ng Virac, Catanduanes o sa 245 kilometers north northwest ng Borongan, Eastern Samar.

Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, ang LPA at ang hinahatak nitong Soutwesterly Windflow ay maghahatid na ng malawakang pag-ulan ngayong araw sa malaking bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila at sa Visayas.

Sa weather forecast ng PAGASA, kalat-kalat hanggang sa malawakang pag-ulan ang mararanasan ngayong araw sa Metro Manila, Visayas, Central Luzon, Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA, at lalawigan ng Isabela.

Dahil din sa LPA at Southwesterly Windflow, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan sa Mindanao at nalalabi pang bahagi ng Cagayan Valley.

Habang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin lamang ang iiral sa nalalabi pang bahagi ng Luzon.

Ayon sa PAGASA mula ngayong araw hanggang sa Sabado ay mararanasan ang maulap na papawirin sa Metro Manila at ilan pang bahagi ng Luzon.

Posible kasing sa weekend ay dumaan ang bagyo sa Central at Northern Luzon area.

 

 

Read more...