Kabilang sa mga awardees sa hanay ng sektor ng pagmimina na pinarangalan sa Malakanyang kamakailan ay ang mining company na pag-aari diumano ng malapit na kaibigan ni Dating Interior Secretary Mar Roxas.
Ang SR Metals Inc., ay kasama sa mga awardees sa Presidential Mineral Industry Enviromental Awards.
Base sa mga ulat, ang Chief Executive Officer ng naturang kumpanya ay si Eric Gutierrez.
Ayon kay presidential candidate Rodrigo Duterte, si Gutierrez ang nagmamay-ari ng mga eroplano na ginagamit sa presidential campaign ni Roxas.
Hindi naman ito itinanggi ng kampo ni Roxas ngunit nilinaw nila na hindi libre kundi inuupahan nila ang paggamit sa mga eroplano kasabay ng hamon sa iba pang kandidato na kilalanin nila ang mga may-ari ng mga ginagamit din nilang mga eroplano sa pangangampaniya.
Ang SR Metals Inc., ay pinarangalan sa Surface Mining Operation category kasama ang Oceana Gold Phils., at Rio Tuba Nickel Mining Corporation.