Presidentiables, dumalo sa iba’t ibang forum

 

Humarap sa iba’t ibang forum ang mga presidentiables dito sa Metro Manila.

Si Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas ay pumunta sa 6th National Congress of the Coordinating Council of Private Educational Association sa Quezon City, kung saan hinarap niya ang daan daang mga university officials at student leaders.

Dito niya inihayag na ipagpapatuloy niya ang K-12 program dahil bagaman mahirap, ito ang kailangan ng ating bansa para paigtingin ang skill competence ng mga estudyante, na kailangan sa mga inaalok na trabaho.

Ang kaniyang ka-tandem naman na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ay dumalo sa isang forum ng mga negosyante sa World Trade Center sa Pasay City, kung saan naging panauhin rin si presidential candidate at Sen. Grace Poe, ngunit hindi sila nag-abot.

Dito, hinimok ni Poe ang mga kababaihan na maging financially independent, at inihayag na rin niya ang kaniyang mga plano niya para palaguin ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.

Samantala, tumungo naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa isang forum sa University of the Philippines – Diliman, kung saan niya inilahad ang kaniyang plano sa mabagal na internet connection sa bansa.

Aminado naman si Duterte na wala siyang masyadong alam sa internet dahil ang cellphone niya ay ‘de-pindot’ lamang, pero agad raw niyang ku-komprontahin ang mga telecommunications company kung ano ba ang problema nila.

Dakong tanghali naman ngayong araw na ito, Feb. 19 ay tutungo si Duterte sa Ilocos, na balwarte ni vice presidential candidate Sen. Bongbong Marcos.

Si Vice President Jejomar Binay naman ay mag-iikot ngayong araw sa bayan ng Pateros, pagkatapos ay sa National Convention of Chinese Filipino Business Club sa Manila Hotel.

Read more...