Extreme lockdown sa compound sa Muntinlupa City, na-extend

Nadugtungan pa ng isang linggo ang pagpapatupad ng extreme localized community quarantine sa isang komunidad sa Barangay Alabang sa Muntinlupa City.

Sinabi ni Tess Navarro, ang tagapagsalita ng pamahalaang-lungsod, tatagal hanggang Hunyo 16 ang extreme lockdown sa Morning Breeze Compound dahil sa pagdami pa rin ng bilang ng COVID-19 cases.

Aniya, ang Regional Inter-Agency Task Force ang nag-apruba ng lockdown extension base na rin sa kahilingan ng lokal na pamahalaan.

Noong Hunyo 3, ipinag-utos ni Mayor Jaime Fresnedi ang 72-hour ELCQ sa Morning Breeze dahil sa maraming kaso ng COVID-19.

Hanggang Lunes, June 8, nasa 19 residente ng compound ang tinamaan ng COVID-19 at ang bilang ang pinakamataas sa lahat ng komunidad sa lungsod.

Iniulat ng City Health Office na kahit na umiral ang 72-hour extreme lockdown marami ant hindi pa rin sumunod sa physical distancing at pagsusuot ng mask.

Sa ulat din ng CHO ang mga kaso ng pagkakahawa ay sa mga magkakatabing bahay.

Isinailalim na rin sa testing ang lahat ng miyembro ng 249 pamilya sa compound.

Bunga nito, nakiusap na si Fresnedi sa mga residente na sumunod sa health protocols para hindi na magkahawaan ng sakit.

Tiniyak naman nito na ang lahat ng pangangailangan ng mga apektadong residente ay ibibigay ng pamahalaang lungsod.

Nakapagtala na ng 272 confirmed cases sa Muntinlupa City, 172 recoveries, 66 active cases, may 34 na ang namatay samantalang may 34 suspect cases at 420 probable cases hanggang Hunyo 9.

Read more...