Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, bukod sa pagiging contact tracers sa mga taong nakasalumuha ng mga nagpositibo sa COVID-19, pinag-aaralan na rin ng Department of Transportation (DOTr) na gamitin sa delivery service ang mga jeepney driver.
“Pero kanina po, kasama ko rin si Secretary Tugade, meron din silang planong gawing delivery service yung ating mga jeepneys kasi nga hindi pupuwedeng sakyan kasi hindi puwede ang social distancing,” pahayag ni Roque.
Pagtitiyak ni Roque, makakasama na sa ikalawang bugso ng Social Amelioration Program ang mga jeepney driver.
“Yung second tranche, parating na po. May kasama po dyan ang mga jeepney drivers. Pagaaralan kung may matitira para magkaroon sila ng additional tranche, wala pong pangako yan pero titignan po talaga natin kung merong matitira at mapupunta yan sa mga walang hanapbuhay,” pahayag ni Roque.
Puspusan na aniya ang modernisasyon sa mga jeep para makaagapay sa ‘new normal’ dahil sa COVID-19.
“Yung jeepney modernization ay siguro po pabibilisan para yung mga mawawalan ng trabaho sa traditional jeepneys ay pupuwedeng magshift to yung mga modern jeepneys,” pahayag ni Roque.
Sa panig ni Trade Secretary Ramon Lopez, sinabi nito na may mga programang inilatag ang pamahalaan para maengganyo ang mga jeepney driver at operator na gawing moderno na ang mga pampublikong sasakyan.
“Ang talagang intention po sa pag eexplain din po ng DOTr ay yung maencourage yung jeepney modernization of public utility vehicles. Doon po talaga nakabase yung future, yung hinaharap po ng mga jeepney drivers. Kaya sana po magkatulungan dyan. There are government programs that will encourage yung pagbili po, pac-acquire, financing ng modern public utility vehicles,” pahayag ni Lopez.
Matatandaang ilang jeepney driver na ang namamalimos sa kalsada para lamang masuportahan ang kani-kanilang pamilya.
Habang ang grupong PISTON ay nagsagawa naman ng kilos-protesta para ipanawagan sa gobyerno na payagan na silang makabalik sa pamamasada.
Narito ang buong report ni Chona Yu: