Dalawang magka-angkas sa motorsiklo sa nag-viral na larawan sa social media, kumpirmadong tauhan ng PCG

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na tauhan nila ang dalawang nahuling magka-angkas sa motorsiklo batay sa nag-viral na larawan sa social media.

Base sa imbestigasyon ng Coast Guard Internal Affairs Service (CGIAS), nakilala ang dalawang personnel na sina Seaman Second Class (SN2) Arjae Dagsil at Seawoman Second Class (SW2) Mary Joy Collada.

Inamin ng dalawa na sila ang nakuhanan ng larawan na magka-angkas sa motorsiklo sa bahagi ng Roxas Boulevard noong June 2.

Nag-alok si Dagsil na sunduin ang kaniyang nobya na si Collada sa Integrated Advanced Command Post (IACP) 2 ng Task Group Laban COVID-19 Water Cluster located in North Harbor.

Kabilang kasi si Collada sa mga nagsasagawa ng medical screening sa mga crew at mangingisda para matiyak na ligtas sa COVID-19.

Nahirapan kasing makahanap ng masasakyan si Collada pauwi matapos ang 24-oras na duty sa IACP 2.

Sinubukan ding tawagan ni Collada ang isang kapwa PCG personnel para sa sleeping areas ngunit ang barrack ay nakasailalim sa quarantine matapos ideklarang positibo sa COVID-19 ang isang PCG personnel na nagpahinga rito bago mailabas ang resulta ng RT-PCR test.

Dahil dito, hinatid ni Dagsil si Collada sa Coast Guard Base – Taguig barrack upang makapagpahinga para sa susunod na duty.

Tiniyak naman nina Dagsil at Collada na tatanggapin nila ang consequences nito.

Kasunod ng insidente, naglabas ang Command ng direktiba para ipaalala sa mga personnel ang istriktong pagsunod sa protocols ng IATF para sa kaligtasan ng publiko.

Magkakaroon na rin ng shuttle vehicles na magiging handa 24/7 para sa kapakanan ng mga frontline personnel ng ahensya.

Hinikayat din ni PCG Commandant, Vice Admiral George Ursabia Jr. ang PCG personnel na maging magandang halimbawa sa publiko sa pagsunod ng traffic rules and regulations, pagsuot ng helmet at seatbelts.

“As law enforcement officers, we should set the highest standard on compliance and cooperation to the whole-of-government efforts to curb the impact of COVID-19. With full compliance and cooperation, the country will successfully uphold public health and safety despite the pressing challenges of the present time,” pahayag ni Ursabia.

Read more...