Inatasan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga empleyado ng Department of Health (DOH) na mag-doble kayod hanggang ngayong weekend para masigurong makakamit ang June 9 deadline ni pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng cash assistance sa pamilya ng mga nasawing health workers.
Sa pulong ni Pangulong Duterte sa Inter-Agency Task Force nadismaya ito dahil sa delay ng pagbibigay ng benepisyo.
Paliwanag ni Duque, ang mga staff ng DOH na nag-aasikaso sa benepisyo ay hindi na uuwi at magtatrabaho kahit weekend.
Sa ngayon sinabi ni Duque na natukoy na ang pamilya ng 32 nasawing healthcare workers dahil sa COVID-19 .
Mayroon lamang aniyang pinaplantsang ilang problema, gaya ng pagkakaroon ng conflicting claims halimbawa na lamang kung ang nasawing healthcare workers ay mayroong dalawang pamilya.
Ang pamilya ng mga nasawing healthcare worker ay dapat tumanggap ng P1 million na benepisyo.
Habang P100,000 naman ang tatanggapin ng healthcare workers na tinamaan ng COVID-19.
Umamin si Duque kay Pangulong Duterte na nakakahiya ang nangyari.
Namatayan na nga aniya ang mga pamilya ay hindi pa nagkaroon ng sense of urgency ang mga taga-DOH para agad maibigay ang cash assistance.