OFW sa Saudi Arabia na may sintomas ng COVID-19 hindi dinala sa ospital ng employer hanggang tuluyang masawi

Isang Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtatrabaho bilang waiter sa Riyadh, Saudi Arabia ang hinihinalang nasawi dahil sa COVID-19.

Bago masawi, nakapag-post pa ng video sa kaniyang Facebook si Marcelo Tanyag III at humihingi ng tulong.

Sa nasabing video, hirap na hirap nang huminga at magsalita ang OFW.

Sinabi niyang May 23 pa nagsimula ang kaniyang sintomas gaya ng ubo at lagnat. Dinala siya ng isang beses sa clinic lamang at pagkatapos ay ikinulong na siya sa kaniyang kwarto.

Sa post ng anak ni Tanyag sa Facebook noong June 1, sinabi nitong nangangamba sila na baka COVID-19 ang sakit ng kanilang ama, pero hindi ito dinadala sa ospital ng kaniyang employer.

Siyam na araw na umano ang sintomas ng kaniyang ama at nahihirapan na ito sa kaniyang sitwasyon.

Maging ang mga kasamahan ni Tanyag sa SAudi Arabia ay tinutulungan siyang makiusap sa employer at tumatawag sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) para siya ay madala sa ospital.

Ilang beses lang na pinangakuan si Tanyag ng employer na dadalhin sa ospital pero hindi ito nangyari hanggang sa pumanaw na kahapon (June 3) ang OFW.

Umaasa ang pamilya ni Tanyag na agad maiuuwi ang mga labi ng padre de pamilya.

 

 

Read more...