Tiniyak ito ni Sen. Sonny Angara, ang namumuno sa Committee on Finance, na magsasagawa ng pagdinig ngayon ukol sa mga naturang panukala.
Napakahalaga aniya na malaman ang posisyon at sitwasyon ngayon ng mga negosyante para sila ay mabigyan ayuda ng gobyerno at maiwasan na sila ay magsara o magbawas ng operasyon na makakaapekto sa kanilang mga manggagawa.
Isasagawa ang pagdinig katuwang ang Committee on Economic Affairs na pinamumunuan naman ni Sen. Imee Marcos.
Tatalakayin sa pagdinig ang Senate Bills 1417 and 1499 o ang Economic Rescue Plan for COVID-19 na inihain ni Angara.
Gayundin ang Senate Bill 1414 o ang Pag-asa, alaga, sustento at angat sa panahon ng COVID-19 crisis package; ang Senate Bill 1427, na layon maamyendahan ang Republic Act 11469 o ang Bayanihan To Heal As One Act, at ang Senate Bill 1431 o ang Act Establishing An Economic Recovery Package To Businesses In The Hardest Hit Sectors By The Coronavirus Disease 2019 na pawang inihain ni Marcos.
Pag-uusapan din ang Senate Bill 1474 o ang Philippine Stimulus Package, Aid and Response to Coronavirus Act na inihain naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Banggit ni Angara huling nagkaroon ng malawakang pagbagsak ng ekonomiya noong great depression noong 1930 kung kailan inabot ng tatlong taon bago nakabangon ang mga ekonomiya kayat sa epekto ng COVID-19 crisis kailangan ng mabilisan pagkilos.
Ayon pa sa senador susuriin din nila ang ilan sa mga programang inilatag alinsunod sa pagpapatupad ng bayanihan act para malaman kung ano ang talagang gumagana at ano ang mga dapat ibasura.