Taxi Driver na inireklamo sa paniningil ng halos P2,000 pamasahe sa pasahero, humarap sa LTFRB

Kuha ni Ricky Brozas
Kuha ni Ricky Brozas

Humarap sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taxi driver na inireklamo ng pasahero dahil sa paniningil ng sobra-sobra.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni LTFRB Board Member Ariel Inton na si Jericho Rosalejos ang nagsilbing barker sa “Makh Taxi” na may plate number UVM 119 sa NAIA noong February 5.

Ayon sa complainant na si Mark Kevin Tomale, siya at ang kaniyang pinsan na buntis ay sumakay sa nasabing taxi galing NAIA para magpahatid sa Buendia, Makati.

Si Rosalejos umano ang kumausap sa kanila at kumontrata sa kanila, pero pagsakay nila sa taxi ay iba ang nagmaneho.

Ayon kay Tomale, sasama sana noon sa biyahe si Rosalejos at nadinig pa niya itong nagsabi na “walang magga-garahe sa taxi” kaya alam niyang minamaneho din nito ang nasabing taxi unit.

Pagdating sa Buendia, siningil na ng di nakilalang driver si Tomale at kaniyang pinsan ng P1,900.

Para wala nang pagtatalo at hindi na mauwi sa gulo dahil buntis ang kasamang pinsan ni Tomale, inabot na umano nila ang P1,400 na natitira nilang pera. Pero dahil kulang pa sila ng P500, inagaw umano ng driver ang cellphone ng kaniyang pinsan.

Sa verification na isinagawa sa Makh Taxi, kinumpirma ng dispatcher doon na si Rosalejos talaga ang regular na nagmamaneho ng nasabing taxi unit na sinakyan ni Tomale.

Ayon kay Inton, nang hingin nila kay Rosalejos ang lisensya nito, napansin na nilang peke ang driver’s license.

Dahil dito, pina-certify nila ito sa Land Transportation Office (LTO) at nakumpirmang peke nga ang lisensya.

Sa huli, umanin na rin si Rosalejos na peke at nakuha niya lang sa Recto ang lisensya.

Read more...