Nababahala ang mga Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) leaders sa pagpapatuloy ng militarisasyon sa South China Sea.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Herminio Coloma Jr., ito ang isa sa napag-usapan sa pagpu-pulong ng mga Southeast Asian leaders sa US-ASEAN Summit sa California na pinasinayaan ni US President Barack Obama.
Ito ay base sa impormasyong ibinigay ni Coloma sa media, bilang paglalarawan sa buod ng mga kaganapan sa unang araw ng Summit sa California.
Aniya, inilatag ni Pangulong Aquino sa mga kasamahan niyang ASEAN leaders ang kahalagahan ng pagpapa-iral ng batas, at ng mapayapang resolusyon sa agawan ng teritoryo sa rehiyon.
Napag-usapan rin sa working dinner ang pagka-bahala ng karamihan sa kinahihinatnan ng mga tangkang resolbahin ang isyu ng island building sa rehiyon, pati na ang mga test flights.
Dahil dito, lumutang ang usapin ng kahalagahan ng freedom of navigation sa rehiyon.
Nagpalitan rin ani Coloma ng mga pananaw ang mga leaders hinggil sa pagsu-sulong ng “prosperity through innovation and entrepreneurship.”
Gayunman, hindi naman tinukoy ng mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung sinu-sinong mga pinuno ang nag-pahayag ng kanilang pag-tutol sa mga ginagawa ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Sa kabuuan, napag-usapan ng lahat ang pagka-kaisa ng ASEAN para palaganapin ang kapayapaan, at pag-respeto sa umiiral na international law para mapangasiwaan ng maayos ang rehiyon.