Dayaan sa halalan, posible pa rin

 

Inquirer file photo

Hindi pa rin tuluyang ligtas sa dayaan ang halalan.

Ito ang pananaw ni source code reviewer Dr. Pablo Manalastas, dahil giit niya, walang magagawa ang pagiging secured ng sistema kung magkakaroon naman ng sabwatan.

Ayon kay Manalastas, hinirapan man ang seguridad sa source code ng automated election system (AES) para hindi basta ma-hack ng mga taga-labas, maari namang mag-sabwatan ang Commission on Elections (COMELEC) at ang Smartmatic-Total Information Management (TIM) Corp. na dayain ang halalan.

Dahil ang COMELEC at ang TIM lang ang tanging nakakaalam kaugnay sa pag-kontrol ng mga makina, posibleng makahingi ng tulong mula sa dalawa ang sinumang magbabalak na mag-sagawa ng pandaraya.

Ani pa Manalastas, kayang-kaya itong gawin ng isa o dalawang tao depende sa set up ng COMELEC.

Gayunman, pinabulaanan ito ng Technology Manager ng Smartmatic na si Marlon Garcia dahil aniya, walang isang taong may access sa lahat ng components ng nasabing sistema.

Sinang-ayunan naman ito ni Comelec chairman Andres Bautista, dahil aniya, kahit ang Comelec ay walang access sa system ng VCM.

Pero nilinaw ng Smartmatic na magkakaroon lamang ng access ang poll body sa sytem ng VCM kapag natapos na ang oras ng botohan.

Read more...