Barberya, salon posibleng mapayagan nang magbukas sa GCQ areas

Naglatag na ng health protocols ang Department of Trade and Industry (DTI) na susundin sa mga barber shop at salon sa sandaling payagan na silang magbalik sa operasyon.

Sa ilalim ng guidelines ng Inter Agency Task Force, kahit sa mga lugar na nakasailalim na lang sa general community quarantine (GCQ) ay hindi pa din pwedeng magbukas ang mga barber shop, parlor o salon.

Pero ayon kay Trade and Industry Sec. Ramon Lopez, pinag-aaralang payagan na ang pagbubukas ng nasabing mga establisyimento sa GCQ areas.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lopez na may mga inilatag silang health protocols na kailangang sundin para mapayagan ang kanilang pagbubukas.

“Nag-suggest kami ng health protcol para iimplement nila, one nag-implement sila baka mapaaga ang umpisa nila. Kahit naka-GCQ baka mapayagan sila, under current rules kasi after GCQ pa talaga papayagan ang salon at barber shops,” ayon kay Lopez.

Tinatayang aabot sa 400,000 na empleyado ang apektado sa patuloy na pagsasara ng mga salon at barber shop.

Sinabi ni Lopez na kung aaprubahan ng IATF ang rekomendasyon ng DTI, magiging dahan-dahan ang pagbubukas ng industriyang ito.

Kasama din sa pinapa-arpubahan na makapagbukas na sa GCQ areas ay ang dine-in restaurants.

Ani Lopez, kapag pumayag ang IATF, bibigyan ng dalawang linggo ang mga barberya, salon, dine-in restos para makapaghanda bago sila magbukas.

 

 

 

Read more...