Sa ilalim ng Ordinance No. 45 , hindi na papayagan ang mga punerarya na ipakita ng hayagan ang kanilang mga ibinebentang kabaong dahil na rin sa mga reklamong tinatanggap ng lokal na pamahalaan mula sa mga residente.
Ayon kay Vice Mayor Jose Fabian Cadiz, hindi maganda ang nagiging dating sa publiko na makita ang maraming ataul na ibinibenta na parang ordinaryong paninda.
Bukod sa pagbabawal na idisplay ang mga kabaong sa publiko, nilagdaan na rin ni Marikina Mayor Del De Guzman ang Ordinance No. 76 na nagpapataw ng tatlong taong moratorium sa pagtatayo ng mga funeral parlors sa lungsod.
Ito’y makaraang lumobo ang bilang ng mga funeral homes sa Marikina City nitong nakalipas na limang taon.
Sa pinakahuling datos, umakyat na sa 16 ang mga punerarya sa lungsod na naging dahilan upang humina ang kita ng mga may-ari ng mga punerarya.
Ilan naman sa mga negosyante ng mga funeral homes ang pumabor sa pagpapatupad ng dalawang ordinansa.
Dahil sa ipagbabawal na ang hayagang padi-display ng mga ataul sa harapan ng mga establisimiyento, ipapakita na lamang ang mga ‘’sample coffins” gamit ang mga photo album.