Kapangyarihang makapag-‘wiretap’, hiniling ng Ombudsman sa Kongreso

 

Hiniling ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Kongreso na bigyan pa ito ng karagdagang kapangyarihan upang mapabilis ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa mga kaso ng katiwaliang kanilang iniimbestigahan.

Nais ni Morales na mabigyan ang kanyang tanggapan ng kapangyarihan na makapag-‘wiretap’ o makapakinig sa mga usapan sa telepono ng mga iniimbestigahang empleyado ng gobyerno bilang bahagi ng kanilang evidence-gathering procedures.

Bukod dito, nais din ng Ombudsman na magkaroon ng access sa mga bank records at mga opisina ng gobyerno upang makapangalap ng mga ebidensya.

Paliwanag ni Morales, mistulang binawasan ng Korte Suprema ang kakayanan ng Ombudsman nang sabihin nito na maari lamang itong magbuklat ng mga bank records kung naisampa na sa korte ang kaso.

Dapat din aniyang alisin ng Kongreso ang ‘time bar’ sa mga ari-ariang isinasailalim nito sa acquisition na dahilan kaya’t hindi nakakapaghain ng forfeiture case ang Ombudsman sa tuwing malapit na ang halalan.

Nais din ni Morales na payagan ng Kongreso ang Ombudsman na maitabi ang 35 porsiyento ng mga recovered at forfeited assets upang maipandagdag sa kanilang pondo.

Read more...