Pagpapauwi sa 24,000 OFWs utos ni Pangulong Duterte matapos dumagsa ang reklamo ng mga OFW na matagal nang nasa quarantine facilities

Photo grab from PCOO Facebook video

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na bilisan ang pagpapauwi sa 24,000 na Overseas Filipino Workers na nag-negatibo na sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, binigyan ng pangulo ng isang linggo ang OWWA, DOLE at DOH para asikasuhin ang pagpapauwi sa mga OFW sa kani-kabilang probinsya, kasama na ang mga naghihintay pa ng resulta ng kanilang test.

Dumagsa kasi ayon kay Roque ang reklamong natatanggap ng pangulo na maraming OFWs ang lagpas-lagpasan na sa 14 na araw na quarantine pero hindi pa makaalis sa quarantine facilities.

Una nang sinabi sa Radyo Inquirer ni Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III na makauuwi na ang mga OFWs at gagawin ito sa loob ng tatlong araw.

Simula ngayong araw hanggang sa Miyerkules ay 8,000 OFWs ang uuwi sa kanilang probinsya.

 

 

 

Read more...