Hindi minasama ni Senatorial candidate at OFW advocate Susan “Toots” Ople ang pasya ng PDP-Laban na huwag na lamang mag-endorso ng senatorial slate sa kanilang kampanya.
Ayon kay Ople, personal siyang sinabihan noon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ieendorso siya nito bago pa man magsimula ang official campaign period.
Pero inirerespeto umano niya ang pasya ng PDP-Laban kung ito ang kanilang strategic direction at kung ito ang sa tingin ng partido na makabubuti para sa kampanya ng tambalang Duterte-Cayetano.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Ople na nagsimula ang isyu sa isinagawang campaign rally sa Tondo Maynila na ayon sa kaniya ay nagkaroon ng kaunting gusot.
Sa kabila ng nasabing pasya ng PDP-Laban, sinabi ni Ople na sinabihan siya ni party president Senator Koko Pimentel na maari pa rin siyang magtungo sa mga campaign sorties nina Duterte.
“Ang explanation sa akin ni Sen. Koko kung makatanggap ako ng invitation for schedule ng campaign, pwede akong pumunta kung free ako, pwede daw ako magsalita,” ayon kay Ople.
Umaasa naman si Ople na hindi makaka-apekto sa kaniyang kandidatura ang nasabing pasya ng PDP-Laban dahil bitbit din naman siya ng iba pang partido.
Si Ople ay kasama rin sa ineendorsong senatoriable ng tambalang Binay-Honasan, Poe-Escudero at Santiago-Marcos.