Pagbuo ng task force vs illegal e-gaming sa bansa, itinutulak

Itinutulak ng Accredited Service Providers of PAGCOR (ASPAP) ang pagbubuo ng isang task force para tumulong sa gobyerno sa pagsugpo ng ilegal na e-gaming sa bansa.

Ayon kay Atty. Margarita Gutierrez, tagapagsalita ng ASPAP, layon ng grupo na mabuo ang task force NOGO para sumuporta sa Philippine National Police (PNP) sa paglaban sa ilegal na online gaming.

Aniya, ito ay kasunod ng mga napaulat na pag-aresto sa ilang indibidwal, kung saan karamihan ay mga dayuhan, bunsod ng nasabing ilegal na aktibidad.

Ani Gutierrez, patunay ito na kumikilos ang otoridad para tuluyang mahinto ang ilegal na gawain na sumisira aniya sa imahe ng mga lehitimong POGO sa bansa.

“We will not sit idly by while our authorities do the work to end illegal online gaming. ASPAP is forming a task force that will actively support the government’s campaign against illegals,” pahayag nito.

Samantala, nagparating ng pasasalamat ang grupo sa gobyerno sa pagpayag na muling magbukas ang mga POGO.

“Sinisuguro namin na susunod ang asosasyon sa mga direktibang nakatalaga kaugnay sa ECQ upang maproteksyunan ang publiko sa banta ng pagkalat ng coronavirus disease,” dagdag pa ni Gutierrez.

Giit pa nito, ang pagbubukas ng POGO sa bansa ay isang mahalagang hakbang para muling makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19.

Handa aniyang makipagtulungan ang grupo sa IATF at iba pang ahensya ng pamahalaan para mawala ang mga umano’y agam-agam kaugnay sa mga maling impormasyon ukol sa POGO.

Read more...