Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Philippine Ambassador Petronila Garcia na 225 Filipino sa Calgary ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan 89 ang gumaling.
Sa bahagi naman ng Toronto, 22 ang kumpirmadong kaso ng nakahahawang sakit kung saan anim ang naka-recover at isa ang nasawi.
Nahihirapan naman aniyang malaman ang mga apektadong Filipino sa iba pang bahagi ng Canada.
“Kasi ho ‘yung federal and provincial governments hindi ho nila dini-differentiate kung Filipino o hindi sa kanilang testing at results, at saka ‘yung privacy law ng Canada, napakahigpit,” paliwanag nito.
“The only way that the Embassy and our Consulate General will find out if a Filipino has been found positive is if the person or his family members will come to the embassy or consulate,” dagdag pa ni Garcia.
Tiniyak nito na nabibigyan ng medical assistance ang lahat ng COVID-19 patients, residente man o turista sa nasabing bansa.
Sa kabuuan, lima na aniya ang pumanaw na Pinoy dahil sa nakakahawang sakit.
Sa huling datos, nasa mahigit 77,000 na aniya ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Canada.
Sa nasabing bilang, mahigit kalahati na aniya ang naka-recover habang nasa 5,800 ang nasawi.
Tuluy-tuloy din aniya ang COVID-19 testing at contact tracing sa nasabing bansa kung saan 1.2 milyon ang napasuri.