Binawi na ng Kamara ang kanilang ginawang pag-apruba sa ikalawang pagbasa sa House Bill 6732 o ang panukala na nagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN.
Ayon kay Deputy Majority Leader Wilter Palma, ginawa ito dahil marami pa daw kasi sa mga miyembro ng Kamara ang gustong mag-interpellate.
Dahil dito, muling binuksan ng Kamara ang period of debates and amendments sa panukala.
Nauna rito, kinuwestyon ni Albay Rep. Edcel Lagman ang ligalidad nang naunang pag-apruba sa bill noong nakaraang Miyerkules.
Ito’y dahil ipinasa sa 1st at 2nd reading ang HB 6732 sa parehong araw gayung nakasaad sa Konstitusyon na ang isang bill ay dapat aprubahan sa 3 pagbasa sa magkakahiwalay na araw maliban na lamang kung certified as urgent ng Pangulo.
Pero iginiit ni Deputy Speaker Lray Villafuerte na constitutional ang naging hakbang nila dahil meron nang ganitong mga pangyayari sa nakaraang mga Kongreso.
Ayon naman kay Lagman, kailangang maalis ang anumang duda sa constitutionality ng pagpasa ng panukala para maiwasan na magkaroon ng dahilan para i-veto ito ng Presidente.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng provisional franchise ang network hanggang October 31, 2020.