NCRPO Chief Sinas, tama lang maparusahan sa ‘birthday salubong’ – Sen. Lacson

Sinabi ni Senator Panfilo Lacson na kahit saang anggulo tingnan, naging masamang ehemplo si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Debold Sinas dahil sa nangyari sa “mañanita” o maagang pagbati sa kanyang birthday.

Ayon kay Lacson, nararapat lang na igawad kay Sinas ang nararapat na kaparusahan dahil iniimbestigahan na rin ang hepe ng NCRPO ng mga kinauukulang opisina sa DILG at PNP.

Gayunpaman, ayon sa senador, dapat din ikonsidera ang ginagawang pamamahala ni Sinas sa checkpoints sa Metro Manila para hindi na kumalat ang nakakamatay na COVID-19.

Ngunit pagdidiin ni Lacson, ang kanyang pahayag ay hindi paghingi ng kapatawaran o palusutin si Sinas sa kanyang nagawa at ito aniya ay pagpuna lang sa mga netizen na sinasamantala ang isyu sa pamamagitan ng pag-post ng mga lumang larawan para lalong madiin ang opisyal.

Inulan ng batikos at pagpuna si Sinas sa social media nang lumabas ang mga larawan ng kanyang ‘birthday salubong’ noong nakaraang linggo at sinabi na hindi nasunod ang physical distancing at may mga bumati pa sa kanya na walang suot na mask.

Una nang sinabi ni Sinas na hindi siya magbibitiw sa posisyon ngunit inamin na nito ang naging pagkakamali at humingi na rin ng paumanhin sa kanyang nagawa.

Read more...