Inihain ni de Lima ang Senate Resolution No. 410 para maimbestigahan ng kinauukulang komite sa Senado ang mga pag-aaral sa ibang bansa na nagpaliwanag kung paano gumagamit ang administrasyong-Duterte ng ‘troll farm’ para sa propaganda at pagpapakalat ng mga maling impormasyon.
“[There is a need] to conduct an inquiry into the reports of public funds being spent to pay and maintain online trolls to distort and manipulate online information in various social media platforms in order to influence public opinion and political outcomes,” sabi ng senadora.
Sa 2020 World Press Freedom Index na inilabas sa taong 2020, inihayag ng Belgium-based press freedom watchdog Reporters Without Borders (RSF) na may call center hubs ang administrasyon na nagpapakalat ng mga peke at malisyosong impormasyon laban sa mga bumabatikos sa gobyerno.
Noong 2017, naglabas ng ulat ang University of Oxford at ibinunyag na gumamit ng kabuuang $200,000 ang administrasyon para umupa ng mga ‘online trolls’ para siraan ang kanilang mga kalaban sa politika.
Nabanggit din sa resolusyon ni de Lima ang pahayag ng US-based human rights group na Freedom House na binabayaran ng P500 kada araw ang ilang online users sa Pilipinas para sa operasyon ng mga pekeng social media accounts na sumusuporta kay Pangulong Duterte.