Social distancing guidelines hiniling na amyendahan ng IATF

Kuha ni Richard Garcia

Hinikayat ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong sa Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na magsagawa ng pagrerepaso sa guidelines may kaugnayan sa physical distancing para payagan ang mga pribadong motorista kabilang ang motorcycle riders na magsabay o mag-angkas ng mga kapamilya nila.

Ayon kay Ong, hindi na dapat pagbawalan sa isang sasakyan ang mga magkakaanak na nakatira naman sa iisang bahay.

Imposible naman kasi anya na umiiral ang social distancing sa loob ng sariling bahay.

Tinukoy ni Ong ang ilang insidente kung saan sapilitang pinababalik o hindi pinadadaan sa checkpoints ang mga motorcycle rider na may angkas na kapamilya.

Kadalasan anyang iniiwan sa checkpoints ang mga medical frontliner na hindi maaaring ihatid sa trabaho ng sariling pamilya dahil labag daw sa patakaran sa physical distancing.

Iginiit ng mambabatas na ang panuntunan sa physical distancing sa loob ng pribadong sasakyan at motorsiklo ay dapat pairalin lang sa mga hindi magkaano-ano na madali namang malalaman sa kanilang IDs.

Mahalaga anyang mapag-aralan ng IATF ang bagay na ito lalo’t maraming lugar ang ibababa na mula EQC sa GCQ kung saan marami ang pwede nang lumabas para magtrabaho.

 

 

 

 

 

Read more...