DILG, ipinag-utos sa PNP na manatiling nakaalerto sa pag-iral ng GCQ

Kuha ni Jun Corona

Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na manatiling nakaalerto sa pagpapatupad ng batas sa pag-iral ng general community quarantine (GCQ) simula sa May 16.

Kasunod ito ng 61 porsyentong pagbaba ng crime incidents sa kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dapat hindi magpakampante ang pambansang pulisya sa pagbaba ng krimen.

Sa halip, dapat aniyang ituloy ang istriktong implementasyon ng quarantine protocols.

Isip kasi aniya ng ilan na ang pag-aalis ng ECQ sa ilang lugar ay oportunidad para makabalik sa dating gawi o magsimula muling gumawa ng krimen.

“Tiyak na babalik muli ang mga kriminal pag GCQ na dahil magpapanggap sila na papasok kuno sa trabaho kaya paalala ko sa ating kapulisan na maghigpit sa mga checkpoints at dalasan ang pagroronda para masawata ang mga kawatan,” pahayag ng kalihim.

Mananatili aniya ang mga itinalagang checkpoints at paggamit ng Quarantine Passes sa ilalim ng GCQ dahil limitado pa rin ang magiging galaw sa mga lugar.

“Mas matindi ang inaasahang pagpapairal ng batas sa panahon ng GCQ dahil nariyan pa rin ang banta ng coronavirus at samahan pa ng mga masasamang-loob na wala rin namang pinipiling panahon at krisis. So, use of face masks and social distancing in public must be observed,” paliwanag pa ni Año.

Dapat din aniyang mapanatili ng PNP ang 61 porsyetong pagbaba ng crime volume mula March 17 hanggang May 9.

“The 61% decrease in crime volume within March 17 – May 9, 2020 with a total of 3,166 must be maintained by the PNP even under GCQ,” dagdag pa nito.

Read more...