Ayon kina Deputy Speakers Roberto Puno, Raneo Abu at Dan Fernandez, madedesisyunan lamang ang kapalaran ng prangkisa ng ABS-CBN sa pamamagitan ng patas na pagdinig at walang pressure mula sa anumang grupo.
Sinabi ni Fernandez na kinatawan rin ng Laguna na mananatili sa modified enhanced community quarantine, mas prayoridad ng Kongreso ang interes ng mga Pilipino na makaligtas sa mga hamon ng COVID-19 pandemic.
Sabi naman ni Puno na hindi nila nakakalimutan ang kanilang responsibilidad sa usapin ng ABS-CBN franchise pero mas importante ngayon na tutukan ang pagliligtas ng buhay at tulungang makabangon ang mga negosyo.
Sinegundahan ito ni Abu at iginiit na hindi naman agarang mareresolba ang isyu ng ABS-CBN kahit magtakda ng pagdinig ang Kamara.
Hindi anya maaaring apurahin ng Kongreso ang proseso nang hindi naririnig ang lahat ng panig hindi lang ang mga pabor na mabigyan ng prangkisa ang network kundi maging ang mga tutol para matiyak na tama ang magiging desisyon ng kapulungan sa bagay na ito.