Hinimok ng Palasyo ang Commission on Elections (COMELEC) na tiyaking mare-resolba sa lalong madaling panahon ang mga problemang nagsi-labasan sa kanilang ginawang mock elections noong Sabado.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Herminio Coloma Jr., ngayong natukoy na sa isinagawang mock elections ang mga aberyang posibleng maranasan rin sa mismong halalan sa Mayo, dapat na itong ayusin at paghandaan ng COMELEC.
Dagdag pa ni Coloma, kailangan itong gawin ng COMELEC para masiguro ang katapatan, kaayusan at kredibilidad ng May 9 elections.
Matatandaang nakaranas ng aberya ang COMELEC at ang mga botanteng sumali sa mock elections, dahil sa problemang teknikal tulad ng pag-reject ng vote counting machines sa mga balota, at ang mga naging isyu sa transmission.
Gayunman, tiniyak ni COMELEC Chairman Andres Bautista na may sapat pa silang panahon para mas pag-butihin ang ilang mahahalagang aspeto ng eleksyon.
Naniniwala rin si Coloma na hindi lang COMELEC ang may natutunan sa mock elections, kundi pati ang mga botante dahil naranasan nila ang aktwal na proseso ng pag-boto.
Ani pa Coloma, kailangang mas paigtingin pa ang voters’ education program bilang paghahanda sa darating na halalan, dahil mas mapabibilis rin ang mismong proseso kung alam na ng mga botante ang kanilang gagawin.