Bumaba ang crime trend sa Pilipinas sa nakalipas na 55 araw sa ilalim ng enhanced community quarantine, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa virtual presser, sinabi ni PNP Chief General Archie Gamboa na mas mababa ang naitatalang index crimes sa walong crime categories na tinututukkan ng police operations.
Sa 8,284 insidente sa pre-ECQ period mula Enero hanggang Marso, bumaba sa 3,220 ang naitalang insidente sa nakalipas na 55 araw sa pag-iral ng ECQ.
Kapansin-pansin aniya ang 66 porsyentong pagbaba ng crime trend sa Luzon, 58 porsyento sa Visayas habang 51 porsyento naman sa Mindanao.
“As crime data reveal, the traditional crime landscape has drastically shifted to non-index crime incidents during the ECQ period with more reported criminal activity with the use of access devices and cyberspace to commit fraud, estafa, extortion, trafficking in persons, child abuse; and circulation of disinformation and fake news,” pahayag ng PNP chief.
Ani Gamboa, malaking hamon sa pambansang pulisya na panatilihin ang pagbaba ng mga krimen pagkatapos ng ECQ kasabay ng pagpapatupad ng mga polisiya ng Department of Health (DOH) para maiwasan ang muling pagtaas ng COVID-19 cases.
“ECQ o GCQ man, sa ayaw man natin o sa gusto, kailangan pa rin nating panatilihin ang mga pampublikong protocols, social distancing, at personal hygiene, dahil sa sitwasyon na wala pang gamot na susugpo sa COVID-19. Ang mabisa nating paraan ngayon ay disiplina, kooperasyon, at dasal,” dagdag nito.
Dahil dito, humiling si Gamboa ng kooperasyon sa publiko.
“Ang mga restriksyon na pinapatupad ay hindi upang sikilin ang inyong karapatang pantao bagkus ay masigurado ang inyong kaligtasan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng ating bansa,” paliwanag pa ng PNP chief.
Tiniyak din nito sa publiko na mananatiling matatag ang kanilang hanay sa gitna ng kinakaharap na pandemya.