Suspek sa pagpatay sa ex-PDI correspondent sa Batangas, kinasuhan na

 

Inquirer file photo

Kinasuhan na ng Batangas police ang suspek sa pamamaslang sa dating correspondent ng Philippine Daily Inquirer na si Melinda ‘Mei’ Magsino noong April ng nakaraang taon.

Ayon kay Supt. Danilo Mendoza, hepe ng Batangas City Police, kasong murder ang kanilang isinampa sa prosecutor’s office laban sa suspek na si Edgardo Paredes, residente ng Mabitac, Laguna.

Paliwanag ni Mendoza, si Paredes ang itinuro ng nag-iisang saksi na nagsabing ito rin ang suspek sa pamamaslang sa konsehal ng bayan ng Bauan, Batangas noong 2013.

Nang ipakita aniya nila ang CCTV footage ng case file ng pamamaslang sa konsehal ng Bauan sa testigo kung saan suspek din sa naturang kaso si Paredes, positibo rin nitong tinukoy ang salarin na siyang bumaril din sa biktimang si Magsino.

Matatandaang si Mei Magsino ay binaril nang malapitan di-kalayuan sa apartment na tinitirhan nito sa Batangas City noong nakaraang taon.

Umaasa naman ang pamilya ng biktima na mabibigyan na ng hustisya ang pagkamatay nito sa pagsasampa ng kaso ng mga otoridad sa itinuturong suspek sa krimen.

Read more...