Ito ay isa lamang sa mga mas pinahigpit na mga alituntunin na ipatutupad ng kanilang pamunuan para ma-protektahan ang Mt. Pulag na madalas dayuhin ng mga turista.
Ayon kay Mt. Pulag administrator Emelita Albas, sinimulan na nila ang pag-tanggi sa mga turista at ang pagbabawal sa camping mula noong Biyernes hanggang Linggo.
Ani Albas, nilimitahan na nila ang mga bisita para sa conservation ng Mt. Pulag, at sa katunayan ay daan-daang turista ang hindi nila pinayagang makaakyat noong February 8 dahil punung-puno na ang parke.
May ilang mga trekkers na naghintay hanggang alas-10 ng gabi para lang magkaroon ng pagkakataon na makaakyat, dahil kailangan pa nilang hintaying makababa muna ang mga naunang umakyat na mga turista.
Simula 2017, isasara na sa mga turista ang Mt. Pulag tuwing Sabado, at dahil ipagbabawal na ang camping, kailangang gamitin ng mga turista ang home stay services.
Suportado naman ng Cordillera Conservation Trust (CCT) ang pagpapa-higpit ng mga alituntunin na makakabawas sa pinsalang dulot ng foot traffic sa Mt. Pulag.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Mt. Pulag na ang mas mahigpit na regulasyon nila ay hindi magdu-dulot ng malaking epekto sa pinagkakakitaan ng mga katutubong Ibaloy at Kalanguya doon na nanggagaling sa turismo.
Hinikayat rin ni Albas ang mga trekkers na bisitahin rin ang mga kalapit rin na bundok sa Benguet tulad na lamang ng Mt. Purgatory.