Ayon kay House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento, mula sa 61 ay magkakaroon na lamang ng iisang ruta para sa mga bus sa Metro Manila.
At mula sa 96 na rutang bumibiyahe sa EDSA ay 29 na lamang ang mabibigyan ng special franchise na ekslusibo lamang para sa iisang ruta.
Sa virtual hearing ng komite ni Sarmiento, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na ang bagong “rationalized routes” ang ipapalit sa mga lumang ruta at hindi lamang ito gagamitin sa panahon ng GCQ kundi pangmatagalan na.
Paliwanag ng opisyal, pagkakataon na rin kasi ito para sa nais na reporma ng DOTR sa land-based transport system.
Sa ganitong paraan ay mapapaikli anya ang mga ruta at mapapabilis ang biyahe ng mga bus at iba pang public utility vehicles.
Sa ipatutupad na bagong bus route system, tanging ang mga dedicated bus o ekslusibong bumibyahe sa EDSA ang papayagang makadaan sa EDSA habang ang ibang bus na dating nakakadaan sa EDSA ay magkakaroon na ng hiwalay na mga ruta.