May inilatag nang health protocols sa Archdiocese of Manila sakaling payagan na muli ang pagdaraos ng religious activities.
Ayon kay Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, babawasan ng kalahati ang capacity ng mga simbahan pero magkakaroon ng mas maraming mga misa.
Itutuloy din ang pagpo-post online ng mga misa para sa mga may edad na hindi pwedeng lumabas.
Ang mga magtutungo sa simbahan para dumalo ng misa ay dapat nakasuot ng face masks.
Maglalagay din ng hand sanitizers sa harapan at loob ng mga simbahan.
Maglalatag din ng social distancing guidelines sa komunyon.
Habang sa mga church event gaya ng kasal, binyag at iba pa ay lilimitahan lang ang attendees.
Muling iginiit ni Pabillo na sa sandaling ma-lift na ang ECQ ay dapat nang payagan ang pagdaraos muli ng mga misa na dadaluhan ng mga tao.
Sa ganitong panahon aniya kailangan ng publiko ang pagkakaroon ng psychological at spiritual resilience ng bawat isa.