Nakakolekta na ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng nasa 6.7 tonelada ng mga campaign materials na nakapaskil o nakalagay sa ilegal na mga lugar, sa iba’t ibang panig ng kalakhang Maynila.
Ito’y mula noong February 09 o umpisa ng campaign period para sa national positions kaugnay sa May 09 elections.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, pinagtatanggal ng kanilang clearing operations team ang mga poster, tarpaulin at iba pang campaign materials ng mga kandidato na nakalagay sa maling pampublikong lugar o wala sa designated common poster areas.
Kabilang dito ang mga poster, banner at streamer na nakasabit sa mga footbridge, linya ng kuyente at telepono, at mga puno.
Pero bago tuluyang alisin ang campaign materials, sinabi ni Carlos na kinunan muna ng litrato ng clearing operations personnel ang mga campaign poster.
Kanila ring kinuha ang mga pangalan ng mga pulitikong nakasulat sa mga campaign materyales bago tinanggal.
Ang mga ito aniya ay isusumite sa Commission on Elections bilang ebidensya.
Ang mga nakumpiskang illegal campaign paraphernalia ay ido-donate sa iba’t ibang organisasyon at paaralan para magamit sa livelihood.