Ama, pinatay ang kanyang mag-ina bago magpakamatay sa araw ng mga puso

 

Naging madugo ang selebrasyon ng Valentine’s Day para sa isang pamilya sa Iloilo City makaraang patayin ng isang ama ang kanyang asawa at 5 taong gulang na anak bago nito kitilin ang kanyang sariling buhay.

Sa report ng Iloilo City police, nakilala ang suspek sa krimen na si Eduardo Cuales, 47, samantalang ang mga biktima naman ay nakilalang sina Jecca, 5, at ina nitong si Jessica, 45, residente ng Bgy. Aguinaldo, La Paz.

Sa imbestigasyon, lumalabas na walong buwan nang hiwalay ang mag-asawa at makailang ulit nang tinatangka ng mister na kunin sa kanyang misis ang kustodiya ng kanilang anak na si Jecca ngunit hindi ito nagtatagumpay.

Dakong alas-11:00 ng umaga kanina, Valentine’s Day, habang patungo sa simbahan ang mag-ina kasama ang isa pang pamangkin, hinarang ng suspek na ama ang sinasakyang pedicab ng mga ito.

Dito na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa hanggang sa maglabas ng home-made shotgun ang suspek at pinaputukan ang kanyang dating asawa.

Gayunman, sa halip na ang asawa ang tamaan ng bala, ang anak nitong si Jecca ang nasapul.

Muling pinutukan ng suspek ang kanyang misis, at nang mabatid na wala na itong buhay, ay tuluyan naman nitong itinutok ang baril sa kanyang bibig at ipinutok.

Hinala ng mga imbestigador, ang pagtanggi ng misis na ibigay ang kanyang anak sa mister ang nagbunsod dito na isagawa ang krimen.

Read more...